Ms. Eugene Domingo, patok sa takilya

Dati pa man, batid ko nang mahusay na komedyante si Ms. Eugene Domingo. Hindi dahil nakapagtapos siya ng Communication Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, kundi dahil kapansin-pansin ang ipinapakita niyang "superb thespian prowess" sa mga pelikulang "Ang Tanging Ina" at "Da Lucky Ones" kung saan supporting role lamang ang mga papel na kanyang ginampanan.

Kaya naman hindi na ako nagtaka noong nalaman kong tumabo sa takilya ang unang pelikulang kanyang pinagbidahan - ang Kimmy Dora (Kambal sa Kiyeme). Sa pagkakataong ito, tuluyan na niyang naabot ang pedestal ng kasikatan.

Noong Setyembre 18, pinanuod ko kasama ng aking pinakamatalik na kaibigan ang Kimmy Dora. Kung hindi ako nagkakamali, ikaapat na linggo na iyon ng pamamayagpag ng nasabing pelikula. Naengganyo akong panuorin ito dahil pakiwari ko'y ako na lamang ang tanging tao sa mundo na hindi pa nakakapanuod nito. Karamihan sa aking mga kaibigan ay humanga sa taglay na husay sa pag-arte ni Ms. Eugene Domingo pati na rin ang buong produksyon ng pelikula.

Ako 'yung tipo ng taong once in a blue moon lang magwaldas ng salapi para sa isang pelikula. Sa katunayan, kung maaaring makabili ng pirated copy sa Quiapo o ipadownload sa aking iPod, hindi na ako manunuod pa. Subalit sa pagkakataong ito, batid kong hindi ko pagsisisihan ang pagtapyas ko sa aking weekly allowance.

Naiprodyus ang pelikula sa ilalim ng Spring Films, isang baguhang kumpanya sa larangan ng film production sa pangunguna ng premyadong direktor na si Bb. Joyce Bernal at batikang aktor na si Piolo Pascual. Naipalabas sa SM Cinemas ang pelikula sa kabila ng pagiging baguhan ng kumpanya.

Ms. Eugene Domingo deserves a round of applause. Isa na siya sa mga hinahangaan at tinitingala kong mga artista sa industriya ng pelikulang Pilipino. Higit pa kong humanga sa kanyang naiibang pagganap ng dalawang magkaibang papel (Kimmy at Dora) sa iisang pelikula.

Ang Kimmy Dora ay kuwento ng kambal ni Luisito Cacanindin-Go Dong Hae - sina Kimmy at Dora. Ang kambal ay may magkaibang ugali at katayuan sa buhay. Si Kimmy ay matalino, dominante at arogante samantalang si Dora naman ay inosente, childish at sweet. Iikot ang istorya sa pagnanasa ni Kimmy na makuha ang malaking bahagi ng Go Dong Hae empire matapos niyang malaman na walumpung bahagdan nito ay ipapamana kay Dora ayon sa huling testaamento ng kanilang ama na nakaratay sa banig ng karamdaman.

"I'm just a girl, floating in front of a boy, asking him to love her," ito ang isa sa mga nakakatawang dayalog ni Kimmy na sinabi niya kay Johnson (Dingdong Dantes) na matagal na niyang pinagpapantasyan.

Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, nais kong mailuklok si Ms. Eugene Domingo bilang Reyna ng Komedya (Pasintabi kay Ms. Ai-ai delas Alas.) Congratulations, Ms. Eugene Domingo, Bb. Joyce Bernal at Piolo Pascual for making a movie worth watching for!

Para sa karagdagang mga detalye, bisitahin ang opisyal na website ng pelikula: www.kimmydora.com at ang opisyal nitong account sa Facebook: http://www.facebook.com/pages/Eugene-Domingo/61057672796

PBA0986r6qr5

1 comment:

Miss C said...

LIKE.
hindi ko pa ito napapanuod. pero sana bukas.hehe! :)) kasalai prof ko dyan sa pelikula. :D proud student.hahaha.

Post a Comment