Michael V, tinanghal na best actor sa 1st MTRCB Awards

Si Michael V bilang si Yaya

"For me, you're such a winner," ito ang linyang binitiwan ng komedyanteng si Michael V sa hindi niya inaasahang pagkapanalo bilang Best Actor sa ginanap na gabi ng parangal ng kauna-unahang Movies and Television Review and Classification Board (MTRCB) Awards sa Gateway Cinema 5 noong ika-4 ng Setyembre.

Si Michael V ang creative director ng mga nakakatawang programa sa telebisyon na "Bitoy's Funniest Videos" at "Bubble Gang" na talaga namang humahataw sa TV ratings.

Matagal ko nang idolo si Michael V sa larangan ng komedya kahit pa man isa akong Kapamilya. Lalo na kapag ginagampanan niya ang papel bilang Yaya sa spoof segment na "Ang Spoiled" ng Bubble Gang kasama si Ogie Alcasid. Higit pa akong humanga sa natatanging talento niya na kung saan ay nag-iiba siya ng katauhan. Pinasikat niya rin ang maraming awitin tulad ng Mas Mahal na Kita Ngayon at Hindi Ako Bakla. Likas sa kanya ang pagpapatawa kaya naman patok sa panlasa ng masa.

Bumalik tayo sa 1st MTRCB Awards.

Tulad ng pagkakapili kay Michael V, hindi rin inaasahan ang mga artista at programang tinanghal dahil very well-distributed ang mga parangal mula sa mga himpilan ng telebisyon tulad ng ABS-CBN, GMA7, QTV at TV5.

Nanalong Best News Program ang Balitanghali ng QTV. Nakakagulat ang hindi pagkapili ng TV Patrol (ABS-CBN) at 24 Oras (GMA7) na matagal na sa larangan ng pamamahayag.

I-Witness (GMA7) ang nagwaging Best Public Affairs Show. Well-deserved. Matagal na rin akong napapahanga sa mga dokyumentaryong ineere ng programang ito. Kakaiba at ang mga paksa ay hindi karaniwang nasasaling ng mga direktor.


Best Education Show ang Sineskwela. Wala nang iba pa.

Nasungkit ng Mustard TV ng TV5 ang Best Children's Show. Magandang simula para sa isang baguhang TV network.

Bago pa man tanghalin bilang Best Reality Show ng MTRCB Awards, umani na ng mga parangal at pagkilala ang I-Survived ni Ces Oreña-Drilon ng ABS-CBN. Kaya naman hindi na ako nagtaka pa dahil napanuod ko naman ito.

Usap-usapan na rin ng bayan ang programa ng TV5 na Talentadong Pinoy hosted by Ryan Agoncillo at ito ang nagwaging Best Talent Show. Saludo rin ako sa pamunuan ng palabas na ito dahil sa matapang na pagsabak sa primetime ratings kung saan katapat ng programa ang ilan sa top-rating programs na nakalineup sa ABS-CBN at GMA -- ang Bitoy's Funniest Videos at Maalaala Mo Kaya: Ang Tahanan Mo.

Hindi ako sang-ayon sa pagkapili ng Wow Mali (TV5) bilang Best Comedy Show. Dahil para sa akin, ang Banana Split (ABS-CBN), Goin' Bulilit (ABS-CBN) at Bubble Gang (GMA7) ang mas nararapat para sa parangal na ito.

Best Drama Special ang episode na Butch ng Obra (GMA7) kung saan nagulat din ako sa desisyon dahil palagi akong nanunuod ng mga episodes ng MMK at sadyang nangingilabot lamang ako makabagbag-damdaming mga tagpo at eksena.

Kahit Isang Saglit (ABS-CBN) na pinagbibidahan ni Jericho Rosales at Carmen Soo ang nagwagi bilang Best Teleserye. Para sa akin, Tayong Dalawa ang mas deserving. Haha. (PS Paborito ko kasi sina KIM at GERALD.)

Iginawad kay Bea Alonzo (Betty La Fea, ABS-CBN) ang Best Actress. Samantala, si Edu Manzano (Pilipinas GKNB?, ABS-CBN) at Jessica Soho (Kapuso Mo, Jessica Soho, GMA7) ang nakapag-uwi ng mga parangal bilang Best Hosts.

Nabigyan din ng natatanging parangal ang May Bukas Pa para sa Special Award for Promoting Moral Values.

No comments:

Post a Comment