10% increase sa service fee, ipinatupad ng private hospitals

Sa kabila ng apela ng gobyerno, hindi natinag ang grupo ng mga pribadong ospital at tuluyang ikakasa bukas ang nakatakdang sampung porsyentong (10%) dagdag-singil sa mga bayaring pang-ospital. Ayon kay tagapagpasalita ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na si Rustico Jimenez, hindi na mapipigilan pa ang pagpapatupad nito at nakahanda ang grupo sa anumang magiging aksyon ng gobyerno laban sa kanila.


Nakakainsulto ang naging hakbang ng PHAP. Kung iyong susuriin, walang magagawa ang taumbayan kundi isabalikat ang karagdangang singil dahil pribadong sektor na ang nagdesisyon at ibaling ang sisi sa kasalukuyang administrasyon. Nakakapanlumong isiping nagawa nila ang ganitong 'di makatarungang hakbang sa kasagsagan ng krisis-pinansyal at pambansang kahirapan.

Iginiit ni Jimenez na malaki ang salaping nalugi sa mga pribadong ospital bunsod ng pagpapatupad ng singkwenta-porsyentong diskwento sa presyo ng mga pangunahing gamot sa bansa dulot ng Cheaper Medicines Law. Nabigo rin umano ang sektor sa paghingi ng rebate sa mga kumpanyang parmasyutikal.

Kasunod ng pag-anunsiyo, nagbanta si Alexander Padilla ng Kagawaran ng Kalusugan sa PHAP na hindi palalagpasain ng gobyerno kung sakaling makitaan nila ng mga paglabag sa batas ang mga pribadong ospital kabilang na rito ang pagtakas sa masusing inbentaryo.

Hindi ko nagustuhan ang hayagang pagmamatigas ng PHAP. Hindi ako nagtitiwala sa kasalukuyang rehimen, subalit hindi ito sapat para bigyan ng panibagong pasakit si Juan dela Cruz.

No comments:

Post a Comment