Naaalala ko pa noon nu'ng nagta-trabaho ako sa Etelecare bilang customer service associate, kapag lunch break ay mabilis akong kumakain sa pantry para lamang maigugol ang mga nalalabing minuto sa Pet Society. At ang tangi kong ginagawa sa pet kong si Kuchi ay ang isapalaran ang naipundar niyang salapi sa Stadium kung saan lagi akong umuuwing luhaan. May mga pagkakataong ibenebenta ko pa ang kanyang mga kagamitan sa bahay para lamang may maipansugal. Eh paano naman kasi siya mabubuhay ng walang kalatoy-latoy ang disenyo ng bahay niya? Kaya naiisip kong magsugal sa karera. Malay mo palarin at maging instant interior designer ako ng bahay ni Kuchi.
Medyo huli na nang maglaro ako ng Restaurant City. Kaya naman hindi ako nahumaling kasi tinamad na kong maglaro nu'ng nalaman kung anong lebel na ang mga kaibigan ko. Naisip kong hindi ko na rin naman sila nahahabol kaya wala ring silbi ang pagpapakaadik ko.
At ang Farmville. At kailan ko pa pinangarap maging magsasaka? Nakakaasar lang kaya medyo itinigil ko na rin ang paglalaro nito. Sa Roller Coaster Kingdom naman ako masyadong naadik, halos magdamag akong naka-online para pakainin ang mga trabahador ko sa perya. Pero nu'ng nagcheat 'yung kasama ko sa dorm at milya-milya na ang pagitan ng salapi at lebel naming dalawa, nawalan ako ng gana. Putsa, pinaghirapan ko 'yun tapos may mas madali palang paraan para magparami ng pera? Hindi ka pa pagpapawisan.
Sa Friends for Sale, natutunan kong ibenta ang sarili ko. Matuto akong mamilit ng mga kaibigan para lamang tumaas ang halaga ko. Naisip ko rin: Kailan pa maaaring bilhin ang isang kaibigan? Minsan hindi ko pa kilala ang bumibili sa'kin. Pero okay lang basta tataas pa rin ang halaga mo. Sa kasalukuyan, umaabot na sa isandaang milyon ang halaga ko at hindi ako titigil hangga't hindi ko matapatan ang halaga ng mga kaibigan ko. Haha. :D
At ang Geo Challenge. Sa una ay nakornihan ako sa larong ito dahil sino ba naman ang maglalaro kung ang itatanong naman sa'yo ay mga watawat ng mga bansa, pangalan ng lungsod na ipinapakita sa mapa, eksaktong lokasyon ng mga siyudad sa buong daigdig at kung saan matatagpuan ang mga sikat na historikal na pook?
Subalit naging edukasyunal na aplikasyon para sa isang maritime student na tulad ko ang Geo Challenge. Lalo na ngayong may asignatura akong World Geography. Nakatulong ng husto ang mga aral na inihatid ng larong ito sa diskusyon at pagsagot sa mga pagsusulit. Naisip ko ring balang araw ay magagamit ko rin ang mga kaalamang napulot ko sa Geo Challenge kapag nasa barko na ako.
Kaya naman natuwa ako dahil wala akong maling sagot sa midterm exam namin sa World Geography. Ginamit ko ang Geo Challenge na kasangkapan para matuto ng sabjek sa masayang paraan.
Salamat sa pagbabasa. :D