Ang pananalasa ng mga bagyong Ondoy (Ketsana) at Pepeng (Karma) ay nag-iwan ng malaking pinsala sa bansa. Tinatayang sampung bilyong piso ang halaga ng nawasak na agrikultura, ari-arian at imprastraktura samantalang umabot na sa 375 ang bilang ng mga namatay na tao. Nauna nang maghandog ng tulong sa iba't ibang paraan ang mga himpilan ng telebisyon, non-government organizations at ang Estados Unidos. Kung mayroon mang ginawa ang kasalukuyang gobyerno, hindi ko ito naramdaman.
Ayon sa Department of Agriculture, tinatayang 56% ng mga lalawigang nagsusuplay ng bigas sa bansa ang sinalanta ng dalawang bagyo na umaabot sa 650,000 tonelada ng palay. Samantala, 260,136 ektarya ng taniman ng palay ang binaha.
Base sa magkaibang ulat ng National Disaster Coordinating Council at DA, umaabot sa P6.776 bilyong halaga ng mga pananim at P3.41 bilyong halaga ng mga imprastraktura ang nasira.
Tagumpay ang mga isinagawang kampanya para sa donasyon ng dalawa sa higanteng television networks -- ang Sagip Kapamilya ng ABS-CBN at GMA Kapuso Foundation ng GMA-7. Libu-libong mga Pilipino ang nagprisinta para maging boluntir sa mga relief operations. Sa pakikipagtulungan ng Caritas-Manila, inilunsad naman ng SM Supermalls ang Operation Tulong Express at bukas pa rin para tumanggap ng anumang tulong o donasyon.
Sa katunayan, maging ang aking pamantasan sa tulong ng mga student organizations ay nagsagawa ng Operasyon Ondoy upang magbigay ng kaunting tulong sa mga estudyanteng nasalanta ng bagyong Ondoy. At ako naman ay tumulong sa Youth for Christ para maghatid ng kalinga sa Gawad Kalinga-Tatalon.
Hindi rin nagpahuli ang Estados Unidos sa paghahatid ng tulong sa Pilipinas. Noong ika-6 ng Oktubre, ipinasa ni Rep. Jackie Speier, kongresista ng ika-labindalawang distrito ng California, ang House Resolution 800 na naglalayong magbigay ng tulong sa pamamagitan ng "logistical, transportation at financial assistance" sa bansa. Nakatakda itong pagbotohan ng mababang kapulungan ang nasabing panukalang batas noong Miyerkules.
Ito ang tugon ng Estados Unidos sa Malacañang. Kamaikalan lamang, nanawagan ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga industriyalisadong bansa na magbigay ng anumang tulong at donasyon para sa mga lalawigang apektado pa rin ng matinding dulot ng mga bagyo lalung-lalo na ang mga nasa Hilagang Luzon tulad ng Baguio City, Pangasinan at Benguet.
Noong ika-7 ng Oktubre, inaprubahan ng Pangulo ang four-point demand-side liquidity strategy na nagkakahalaga ng 86 bilyong piso na isinulong ng kanyang economic adviser at gobernador ng Albay na si Joey Salceda na may layuning "to address the relief and rehabilitation concerns of the victims of Typhoons "Ondoy" and "Pepeng."
Maraming salamat sa mga taong may mabubuting tulad ni Speier. Maging sa pinagsama-samang lakas ng sambayanan na nagbigay ng kanilang tulong sa kahit anong paraan.
Nakakatuwang isipin na iminulat ng mga nagdaang mga kalamidad ang puso ng mga Pilipino sa pakikipagkawang-gawa. Likas sa atin ang pagiging mapagbigay at matulungin sa kapwa. Subalit kailangan pa ba ng ganti ng kalikasan para magising ang mga tao sa katotohanan?